Ang Awit ika-129 ay isa sa mga salmo ng pagsisisi. Kasama ng Salmo ika-51
ito ay isa sa mga pinakakilalang awit sa salteryo. Ito’y kinikilala sa pamagat niyang Latin, ang “De profundis.” Madalas itong gamitin sa mga libing nguni’t madalas din siyang ginagamit bilang salmo responsoryo sa mga misa ng Adbiyento at Kwaresma.

Ang mga paliwanag para sa pagsasaling ito ay matatagpuan sa Otium Sanctum1.

1 Mula sa kailaliman ng pighati
tinig ko, Panginoon, sa Iyo isinisigaw
2 Pakinggan mo naman ang taghoy ng awang hinihingi

3 Kung ang papansinin mo lamang ay aming mga sala
Sino pa sa amin, Panginoon, ang matitirang nakatindig?
4 Nguni’t nasa Iyo ang awa’t kapatawaran
At dahil dito Ikaw’y pinagkakapitagan.

5Nananabik ako Panginoon
Sa ‘Yo, ang aking puso’y nananabik.
Sa ‘Yong Salita ako’y umaaasa
6 Oo, Panginoon, sabik akong maghihintay sa Iyo
higit pa sa tanod na naghihintay ng umaga
ang pag-asam ko
higit pa sa tanod na naghihintay ng umaga

7 Pag-asa mo’y ituon sa Panginoon, O Israel
Pagka’t nasa Kanya ang awang walang maliw
at kanya rin ang umaapaw na pantubos
8 at tutubusin niya ang Israel sa lahat niyang mga sala.

  1. Ito ay naisulat noon Marso 10, 2006